Friday, June 6, 2014

Jesus Armado

Juan


Gumising ka, Juan
Huwag kang magmaang-maangan
Imulat mo ang iyong mga mata
At tingnan mo ang iyong kapaligiran.

Si Maria, iyong sinta
Siya ba’y iyong inusisa?
Baka ito’y ginahasa
Ng mga dayuhan at buwitreng mapagsamantala.

Si Inang, iyo bang nakita?
S’ya ba’y lagi mong bnabantayan?
Dahil maraming nagkagusto’t nahalina
At gustong samsamin ang kanyang kagandahan.

May pagkain ba sa iyong mesa?
O hindi ka nakabili dahil wala kang pera?
Mahal yata ang bilihin
Kaya hindi ka halos makakain.

Mga anak mo Juan, nasaan?
Sila ba’y iyong napapa-aral?
Ito’y kanilang karapatan
Kaya edukasyon sa kanila’y
Huwag ipagkait at pabayaan.

Huwag mong sabihing okey lang
Kumilos ka’t ipaglaban
Itong buhay na nagmistulang bangungot
Bigay ng naghaharing mga asungot.



Published in i/o the literary folio of the The DATALINE the official student publication of AMA Computer College of Quezon City last December 1999 in pp. 8-9 and printed by MJC Press Corp in Manila, Philippines.