Friday, June 6, 2014

Jesus Armado

Imperyalismo, ikaw nga


Mapagkunwaring kaibigan
Yaon pala’y mapanlinlang
Bayan pala’y nabili na
Mula rin sa mga itinaboy
Mapang-aping katulad niya.

Nagtitiis, nagtatangis
Sa mga hudas na nagkunwari
Sinamsam ang lahat
Ganda’t yaman nito
Dugo at pawis ang ipinunla.

Kalaguyo’y natutuwa
Sa hirap na sinapit natin
Habang ang karamiha’y
Hindi na makabili ng makakain.

Silang mga mapang-api
Banyaga o naghaharing uri
Pagbayaran ang inyong inutang
Mula noon hanggang ngayon
Ito’ hindi nakakalimutan
Sisingilin na ng alyansang
Manggagawa’t magsasaka.

Bilisan ngunit maingat
Ang pagmulat sa masa
Iwasto ang landas
Tungo sa pagkakaisa
Paninindigan natin
Para sa pambansang demokrasya.

Ito’y para sa atin
At sa susunod pa na darating
Wakasan na natin
Ang kadena ng pananamantala.

Imperyalismo, ikaw nga
Hatid mo ay luha
Ngunit sa aming pagkakaisa
Hindi mo kami makakaya
Ulupong ka ng lahat
Kasakiman ang dala
Ngunit ika’y wawakasan na.